Chapter 4

Posted on December 7, 2010. Filed under: Kapag Si Faegan Ang Umibig |

HINDI pinansin ni Marielle ang kumakatok sa pinto. Alam niyang si Faegan ang nasa labas ng silid. Hindi niya binuksan ang pinto. Bahala ito sa buhay nito.

“Yelle?” narinig niyang tawag nito.

Hinayaan lamang niyang kumatok nang kumatok ito. Hindi niya gustong makita ito. Pagkatapos nitong sabihing wala siyang alam, nakuha pa nitong katukin siya? Hindi ba nito naramdaman na nasaktan siya?

You’re forgetting something here. Marielle. Bahay niya ito, at kahit ano’ng gusto niyang gawin ay puwede. Kaya kahit sabihan ka niyang tanga, wala kang magagawa.

Lumakas ang pagkatok ng pinto, bumilis. Lumakas din ang pagtawag nito sa kanya. Ano ba ang problema nito?

Ganunpaman, hindi pa rin niya binuksan ang pinto. Nagpatuloy lamang siya sa pagre-research sa Internet ng impormasyon tungkol sa ballpen. Iyon ang gagawan niya ng bagong article. Mabuti na lang at hindi pa siya gumagawa ng lathalain dahil siguradong matuturete lang siya sa ingay  na nililikha ni Faggot.

“Yelle? Marielle?” Sumisigaw na ito kasabay  ng malakas na katok. Hindi niya alam kung bakit nagkakaganoon ito. Alam naman nitong naroon siya sa loob pero kung makakatok ito, animo tatalon siya sa bintana. Magkagayon man, wala siyang pakialam kung sirain man nito ang pinto. Hindi naman sa kanya ang bahay. Basta ayaw niyang makita ang pagmumukha nito. Naiinis siya rito. Tapos.

Bakit ba hindi pa ito pumapasok sa opisina? Mahigit isang oras na mula nang mag-walk out siya rito. Tiyak na huli na naman ito sa trabaho. At bakit ba iniisip pa niyang mahuhuli ito sa trabaho gayong hindi na dapat niya ito pakialaman? Isa pa, ito ang CEO ng kompanya nito kaya ayos lang kung mahuli ito sa pagpasok sa trabaho.

Nakahinga siya nang maluwag nang tumigil na ito sa pagkatok. Marahil ay napagod din ito sa ginagawa at nagsawa. Hah! Kung patigasan lang ang labanan, hindi ito mananalo sa kanya.

Napalingon siya sa pinto nang biglang bumukas iyon. Nakatayo roon si Faegan. Hinihingal ito. May nabasa siyang takot sa mga mata nito.

“Ano’ng kailangan mo?” malamig na tanong niya.

“Why aren’t you opening the door?” he growled. Kanina pa ako katok nang katok!”

“Alam ko.” Inirapan niya ito. “Naiistorbo mo na nga ako, eh.”

“Ano ba’ng problema mo, ha? Mukha na akong tanga sa pag-aalalang baka may ginawa ka nang masama, hindi mo man lng binuksan ang pinto. Nananadya ka ba?”

“Ano nama’ng masama ang gagawin ko, aber? Nagtatago lang ako sa mga magulang ko. Hindi ako kriminal,” pamimilosopo niya.

“Tingnan mo `yang ugali mo,” hindi makapaniwalang turan nito. “Baka nakakalimutan mong nasa pamamahay kita. Hindi mo puwedeng gawin dito ang nakagawian mo.”

“Puwede ba!” Tumaas na ang kanyang tinig. “Sabihin mo na nang diretsahan na gusto mo na akong umalis dito. Hindi ko naman ipinagpilitang tumira ako rito, ah.”

“I can’t believe you!” Galit na rin ito. “You’re such a brat!”

“I’m a brat?”

“Yes you are!”

Siya brat? Kailan pa? Kung brat siya, dapat katulad din siya ng mga kapatid niya. Hindi dapat siya masunuring anak. Brat ba siyang maituturing dahil hindi niya ito pinagbuksan ng pinto? Sa ayaw niyang makausap ito. Gusto niyang magkaroon ng panahon para sa sarili niya.

Brat na ba siya? Hindi siguro masamang hindi sumunod paminsan-minsan. Nagsasawa na rin siyang sumunod sa gusto ng iba. Kababawan man ang iniisip niya pero iyon ang nais niya. Hindi ba puwedeng ang iba naman ang sumunod sa kanya?

Hindi na niya pinansin ito. Itinutok na lamang niya ang kanyang mga mata  sa monitor ng kanyang laptop. Ganunpaman, hindi na niya napigilang lumuha. Mabuti na lamang at nakaladlad ang kanyang buhok. Hindi nito mapapansin ang tahimik na pagluha niya.

She was always like that, crying silently so that no one could notice her. No one could see her in her weak state. It was fustrating but all she could do was cry. Noon, walang pumapansin sa kanya. Ngayon hindi niya kailangang magpapansin, tinawag naman siyang brat. Saan ba siya lulugar? Nakakapagod na.

NATIGILAN si Faegan nang biglang tumahimik si Marielle at itinuon nito ang atensyon sa laptop nito. Nakaupo ito sa kama patagilid sa kanya habang naka-lutos position. Kahit pa natatakpan ng mahabang buhok nito ang mukha nito, alam niyang lumuluha ito.

Napakamalas talaga niya nang araw ng iyon. Hindi pala. Nagsimula palang magulo ang tahimik na buhay niya mula nang makita niyang muli ang kanyang kinakapatid.

Isa na lang, at alam niyang bi-Binggo na siya rito. Sa almusal pa lang ay nakaisa na siya. Hindi sinasadyang nasabihan niya na walang alam ito. Natural lang na masaktan ito kahit iyon naman ang katotohanan. But he didn’t say it in general. Ang pinatutungkulan lamang niya ay ang kaalaman nito sa kusina.

Pagbaba biya ay naabutan niyang nasa komedor na ito. Natuwa pa siya nang mapansing nakahanda na ito ng almusal. Totoong naiinis siya nang makitang palpak ang niluto nito subalit hindi dahil sa maling ginawa nito. Naiinis siya sapagkat hindi nito sinabi sa umpisa pa lang na hindi ito marunong magluto. Hindi naman niya pipilitin ito kung nagsabi agad ito. Inisip tuloy niyang marunong talaga ito. Kung sinabi agad nito, hindi sana ito nagsayang ng panahom at pagkain. Hindi sana natilamsikan ng mantika ang mga kamay nito; napansin niya ang ilang namumulang bahagi ng kamay nito.

Ang hindi niya maunawaan ay kung bakit pinanindigan pa nito ang maling akala niya.  Napakahaba ng buong araw upang sabihin nito ang totoo sa kanya. Ngunit hindi nito iyon ginawa at nagpilit pa ring magluto ito.

Nang umakyat ito sa itaas ay siya na ang naglinis ng kusina. Nagluto na rin siya ng totoong almusal. Nang matapos siya sa ginagawa ay umakyat siya at kinatok ito sa silid nito. He wanted to apologize for hurting her. Na-misinterpret kasi nito ang nabitiwan niyang mga salita.

Kinabahan siya nang hindi sumagot ito. Tinawag niya ang pangalan nito at nilakasan ang pagkatok ngunit nanatiling nakasara ang pinto. Natakot siya dahil alam niyang anumang oras ay maaaring magpakamatay ito. Alam niyang kayang gawin nito ang sinabi nito noong nasa bar sila. With all that was happening to her, she had a tendency to commit suicide. Hindi man niya nauunawaan ang pagtutol nito sa arranged marriage, nirerespeto naman niyan kung ayaw talagang magpakasal nito. Hindi niyang gustong kitlin nito ang sariling buhay dahil lamang doon.

Naipit siya, at wala siyang nagawa kundi ang ampunin muna ito pansamantala kaysa kung saan-saan pa ito tumuloy. At least, safe ito sa bahay niya dahil nakikita niya ito.

Halos maihi na siya sa takot nang paulit-ulit na kumatok siya at hindi ito sumagot. Ang-panic siya. Ang unang pumasok sa isip niya ay baka nagpakamatay na ito. Mabilis na kinuna niya ang master key at binuksan ang pinto sa silid nito. Para lamang mainis dahil naroon lamang ito, nakaupo sa kama at nasa harap ng laptop nito.

Lalo siyang nabuwisit. Nagmukha na siyang tanga sa pag-aalala rito ngunit sa halip na mag-“sorry” ito, pinilosopo pa siya nito. Nabuwisit siya sa inakto nito. She was a brat. Yes, she was.

Somehow, he thought maybe he had gone too far for calling her such a name. Paano niya nasabing brat ito gayong hindi niya kilala ang ugali nito? Maaaring kaya lang ito naging ganoon ay dahil sa problema nito. Dapat ay hindi na lang niya pinatulan ito. Alam niyang nasaktan na naman niya ito.

Ang hindi niya maintindihan sa kanyang sarili ay kung bakit masyado niyang pinoproblema ang damdamin nito. Hindi na niya dapat intindihin pa tio. Nakatira ito sa bahay niya at hanggang doon lamang ang dapat niyang isipin. Wala na siyang pakialam sa personal na buhay nito.

Bakit ba siya apektado sa nangyayari dito? Mabilis din siyang mapikon at mag-alala pagdating dito. hindi naman siya dating ganoon.

Lumapit siya rito. Lalo lamang yumuko ito.

“Halika na,” aniya sa marahang tinig. “Kumain na tayo.”

“I’m sorry if I ruined your kitchen,” mahinang sambit nito.

Napabuntong-hininga siya. “No harm done, okay? Look, I didn’t mean to be rude. Pasensiya na, hindi lang siguro ako sanay na may kasama rito. Nanibago lang ako.”

“I’m not a brat,” sabi nito, sa halip na magkomento sa sinabi niya.

“Don’t get me wrong. I didn’t mean to say you are a brat. I just said it because—”

“Because I’m a pain in the neck,” pagtatapos nito sa sinabi niya. “I know I am. Pati ikaw, idinamay ko pa sa problema ko. And I’m sorry if I didn’t open the door at once. Naiinis kasi ako sa’yo kaya ayokong pansinin ka. Wala akong alam sa kusina pero hindi ibig sabihin na wala na akong alam.”

Sabi na nga ba niya at nasaktan ito sa sinabi niya. Nais niyang isipin na masyado lamang sensitibo ito. Ngunit base sa pagkakakilala niya rito, hindi ito ang tipo na mabilis masaktan. Hirap na hirap nga siyang pangitiin ito noon. Kung nagbago man ito, hindi niy alam. Ngunit nararamdaman niyang wala sa karakter nito ang bigla na lamang iiyak kapag napagsabihan.

“Let’s not talk about it, Marielle. Come on, let’s eat. I prepared breakfast.”

Pinahid nito ang mga luha nito at tumingin sa kanya. “Okay lang ba talaga sa’yo na nandito ako? Walang problema sa akin kung paaalisin mo ako.”

“You can stay here as long as you like, Yelle. It’s fine with me. Hindi ko gustong makialam sa problema ninyo ng pamilya mo. Pero ninong ko ang papa mo at hindi kita puwedeng basta na lang pabayaan. At least stay here.”

Tumango ito. “Salamat.”

“Let’s eat.”

DALAWANG linggo na ang lumipas at nakatira pa rin si Marielle sa bahay ni Faegan. Mukhang tumupad naman ito sa usapan nila dahil hindi pa rin siya natatagpuan ng mga magulang niya.

Mukhang magtatagal pa ang pananatili niya sa bahay nito. Nagkaroon ng problema si Tere sa asawa nito, dahilan upang hindi nila maasikaso ang pagpunta niya sa Cebu. Naunawaan niya ito. Mas mahalagang ayusin muna ng kaibigan niya ang problema nito bago siya tulungan nito. Hindi naman siya nagmamadali.

Sa dalawang linggong pananatili niya sa bahay ng kanyang kinakapatid, unti-unti na siyang natutong magluto; papritu-prito nga lamang. Marunong na rin siyang magsaing. Si Faegan ang nagturo sa kanya. Mahusay magluto ito. Ang sabi nito, namana raw nito sa mama nito ang kahusayan nito. At mula nang magsolo ito ng tirahan, ito na ang nagluluto ng kakainin nito.

Kasundo na rin niya ito kahit madalas pa rin silang mabangayan at mag-away. Paano ay mahilig itong pikunin siya. Siyempre, nilalabanan niya ito. Hindi siya magpapatalo rito.

Bilang kabayaran sa libreng pagtira niya sa bahay nito, pinagbubutihan niya ang paglilinis doon. Tinuruan na rin siya nitong maghugas ng pinggan. May pagkakataong hindi niya mapigilang mailang dito. Lalaki ito pero mas marunong pa ito sa gawaing-bahay kaysa sa kanya. Minsan ay napailing na lang ito nang unang beses niyang subukang maghugas ng pinggan. Nakabasag kasi siya ng plato.

Siya na rin ang bumili ng groceries. Hindi na siya napigilan nito dahil nasa opisina ito nang mag-grocery siya.

Sa umaga lang sila madalas magkita kapag weekday. Pagkagaling kasi nito sa trabaho ay dumidiretso na ito sa bar. Madaling-araw na ito kung umuwi. Weekend lang sila kung magsama nang magtagal. At kapag ganoong pagkakataon lang siya nito natuturuan nang maayos.

Pagdating sda paglalaba ay kanya-kanya sila. Mabuti na lamang at may washing machine ito. Ang problema, napaghawa niya ang mga puting damit sa mga de-kulay. Katulad na nangyari nang araw na iyon.

Inalis niya sa washing machine ang puting T-shirt niya na namantsahan ng pula. Napakamot siya sa leeg niya. Hindi niya alam na ganoon kakomplikado ang paglalaba. Kakaunti na nga lamang mga dala niyang damit, namantsahan pa ang iba. Hindi naman siya basta makakapunta sa mall dahil baka may makakilala sa kanya roon. Hindi rin siya maaaring magpabili kay Faegan dahil lalaki ito. Iba ang preference nito sa pananamit. Baka kung anu-ano lang ang bilhin nito. Bukod doon ay nahihiya siya rito.

Wala siyang nagawa kundi ang banlawan na lamang ang mga damit. Mukhang kailangan na talaga niyang bumili ng bago.

Nagsasampay na siya nang marinig niya ang tinig ni Faegan. Mukhang hinahanap siya nito.

“Nandito ako sa likod!” sigaw niya.

Ilang saglit pa ay naroon na ito. “Anong nangyari sa mga damit mo?” puna nito sa mga nilalabhan niya.

“Eh…” Nakagat niya ang kuko sa daliri. “Hindi ko alam na hindi pala puwedeng pagsamahin ang puti sa may kulay.”

Umiling ito. “Nagmarunong ka na naman kasi. Sana nagtanong ka.”

“Damit ko naman ang mga `yan, ah. Pakialam mo ba? Bakit mo ako hinahanap?”

“I have something for you.”

Sabay silang pumasok sa loob ng bahay. Napansin niya ang mga paper bags nang dalhin siya nito sa sala.

“Bakit nga pala ang aga mo?”

Nag-half-day ako sa office. Wala akong masyadong gagawin. Siyanga pala, para sa`yo ang lahat ng iyon.” Itinuro nito ang mga paper bags.

Napakurap siya at napatitig dito. Timing naman ang lalaking ito. Kani-kanina lang ay nag-iisip siyang bibili ng mga damit. Heto at mayroon na siya. At napakarami ng mga iyon. Halos mapuno ang mahabang sofa kung saan nakalagay ang mga paper bags.

“P-para sa`kin?”

“Napansin ko kasing paulit-ulit mo nang isinusuot ang mga damit mo. Naaawa naman ako sa`yo.”

“Kahit kailan talaga, mayabang ka. Kaya kong bumili ng damit ko. Hindi lang ako makalabas dahil baka may makakita sa akin.”

“Wala na akong sinabi.”

Nakasimangot na lumapit siya sa sofa at sinipat ang laman ng mga paper bags. Nakasimangot man siya, panlabas lamang iyon. Ang totoo ay naramdaman niyang may kung anong humaplos sa puso niya. Hindi dahil may mga tatak ang binili nito kundi dahil naalala nitong ibili siya ng mga damit. Napansin nitong wala na siyang ibang damit na maisuot. Napansin siya nito samantalang ang mga magulang niya ay halos parang hindi siya nakikita.

Inilabas niya ang ilang damit. Panay casual clothes ang mga iyon— T-shirt, pantalon, sleeveless blouse, at kung anu-ano pa. Mayroon din siyang nakitang make-up kit at iba’t-ibang accessories. May mga sapatos din at tsinelas.

Agad na napatingin siya kay Faegan nang makita niya ang laman ng isang paper bag.

Pati ito, bumili ka?” Ang tinutukoy niya ay ang mga underwear na laman ng paper bag na iyon.

Ngumisi ito. “Namumula ka na.”

Tila lalong nag-iinit ang kanyang mga pisngi. Paano kaya nito nahulaan ang size niya?

“May kasama akong bumili. Halos pareho lang kayo ng pangangatawan at laki kaya nagpatulong ako sa kanya,” pahayag nito.

Girlfriend kaya nito ang tinutukoy nito?

Come to think of it, walang nababanggit ito na may nobya ito. Kung may asawa man ito, dapat ay narinig niya iyon mula sa papa niya. Pero kahit walang sinasabi ito, malabong mawalan ito ng girlfriend. Guwapo ito at mayaman, mga katangiang madalas na hinahanap ng mga babae sa isang lalaki.

“Ano’ng pangalan ng kasama mo?” tanong niya rito.

“Larissa.” Ngumiti ito. “Siya ang namili ng mga ito.” Babae nga. Baka iyon ang nobya nito.

“Magkano nga pala ang nagastos mo? Babayaran na lang kita.”

“Don’t mind it.”

“Hindi. Babayaran kita,” pamimilit niya. Hindi siya nasanay na ginagastusan ng lalaki, kahit kinakapatid niya ito.

“Huwag ka nang makulit.” Pinanlakihan siya nito ng mga mata. “Kapag namilit ka pa, isusumbong kita kay ninong.” Iniwan na siya nito.

Napailing na lamang siya.

Make a Comment

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Liked it here?
Why not try sites on the blogroll...

%d bloggers like this: