Chapter 1

Posted on October 13, 2010. Filed under: Kahit Maputi Na ang Buhok Ko |

ISANG buwan nang hindi nagpupunta sa apartment ni ginger ang nobyo niyang si Alex. Hindi na normal iyon. Hindi rin ito tumatawag sa kanya para ipaalam kung ano ang nangyayari dito at kung nasaang lupalop ito. Dati-rati ay araw-araw itong tumatawag at nagte-text sa kanya. Gusto nito na palagi siyang nakikita at nakakasama. Reasonable naman ang rason nito na nagko-concentrate ito sa trabaho. Nais daw nito na makaipon kaya panay ang pag-o-overtime nito sa trabaho. Gusto raw nitong patunayan sa pamilya niya, lalung-lalo na sa kanyang papa, na hindi siya nagkamali nang ito ang piliin niya. Magpupursige raw ito upang maibigay sa kanya ang buhay na tinalikuran niya.

Mula sa isang ordinaryong pamilya si Alex. Hindi kilala ang apelyido nito sa mataas na antas ng lipunan na ginagalawan ng kanyang pamilya. Hindi ito anak ng business tycoon na katulad niya o anak ng makapangyarihang pulitiko. Wala rin itong lahing Intsik para masabing nagmula ito sa mayamang pamilya. Isa lamang itong simple at ordinaryong lalaki, bagay na nagustuhan niya rito.

Pero malaki ang disgusto rito ng papa niya. Oportunista raw ito na naghahanap ng mabibingwit na matabang isada. Hindi iilang beses na ipinanakot sa kanya ng papa niya na wala siyang matatanggap na ano mang mana kapag ipinagpilitan pa rin niya ang pakikipagrelasyon kay Alex.

Kung ang Kuya Gian at Ate gillian niya ay natakot sa ganoong banta ng kanilang ama, hindi siya. Sawang-sawa na siya sa pananaklaw ng kanyang papa sa buhay niya. Ito ang nagdedesisyon kung anong kurso sa kolehiyo ang kukunin nilang magkakapatid, kung ano ang dapat na isuot nila, kung ano ang ikikilos nila at kung sinong Pontio Pilato ang dapat nilang pakasalan.

Bunso siya sa tatlong magkakapatid. At siya rin ang pinakamatigas ang ulo. Siguro ay dala ba rin iyon ng pagiging sobrang istrikto ng kanilang papa. Ni hindi sila nito nilmbing na magkakapatid kahit noong mga bata pa sila. Pakiramdam niya ay boss nila ito at mga empleyado sila nito.

Simula nang mamatay ang kanilang mama pagkatapos siyang ipanganak nito ay ang papa na lamang nila  ang mag-isang nagpalaki sa kanilang magkakapatid. Sinabihan raw ng doktor ang mama niya na delikado ang pagbubuntis nito sa kanya pero itinuloy pa rin nito ang pagbubuntis. Inatake sa puso ang mama niya pagkasilang nito sa kanya.

Malayo ang agwat ng edad niya sa kuya at ate niya. Pitong taon ang tanda sa kanya ng Kuya Gian niya samantalang anim na taon naman ang tanda sa kanya ng Ate Gillian niya. Kaya kahit paano ay nakilala at nakasama ng mga ito ang mama nila.

Isa sa mga bagay na hinahanap-hanap niya ay ang pagmamahal ng isang ina. Lalo pa at hindi niya kinakitaan ng ano mang senyales na mahal siya ng kanyang papa. Kung may isang magandang karakter ito, marahil ay ang pagiging good provider nito. Ibinibigay nito ang ano mang materyal na bagay na naisin nilang magkakapatid.

Siya lamang ang malakas ang loob na suwayin ang mga kagustuhan nito lalo na kung taliwas iyon sa gusto niyang gawin. Ang papa rin niya ang nagpasya sa kursong tinapos ng dalawang nakatatandang kapatid niya. Medicine ang tinapos ni Ate Gillian niya at Business Administration naman ang  kay Kuya Gian niya dahil ito raw sng papalit sa kanilang papa sa pamamahala sa kanilang kompanya.

Iniutos ng papa niya na Accountancy ang kurong kunin niya at ituloy raw niya iyon sa Law. Ngunit Computer Science ang kinuha niya. Second semester na nang malaman nito iyon. Kahit anong panlalait nito sa kurso niya ay pinanindigan pa rin niya ang kanyang desisyon.

Pati sa pananamit ay hindi rin niya sinusunod ang kagustuhan nito. Ang gusto nito ay prim and proper silang kumilos ng Ate Gillian niya. Ang Kuya Gian naman niya, high school pa lang ay palagi na nitong pinagsusuot ng suit. Sumunod ang mga kapatid niya pero siya ay hindi. Sa halip, daig pa niya ang isang rakista kung pumorma. Pinuno niya ng hikaw ang magkabilang tainga niya at kung anong silver accessories ang isinuot niya. Puno ng silver rings ang mga daliri niya. Itim ang nail polish niya at paiba-iba ang kulay ng kanyang buhok.

Kaya naman kapag may pagtitipon sa kanilang bahay ay sinisiguro ng kanyang papa na wala siya dahil kahihiyan lang daw ang ang idudulot niya. Wala namang kaso sa kanya iyon dahil allergic siya sa mga parties at sa mga tao na kung umasta ay animo mga perpekto.

Hindi pa roon natapos ang iringan nilang mag-ama. Umabot iyon sa sukdulan nang pati ang pagpili niya ng nobyo at mapapangasawa. ay gusto nitong saklawan. Ganoon ang nangyari sa kuya at ate niya. Mababait naman ang hipag at bayaw niya na sina Ate Nancy at Kuya Harold niya. Pero hindi in love sa mga ito ang mga kapatid niya nang magpakasal ang mga ito. Theirs were marriages of convenience. At nunca na matulad siya sa mga ito.

Weird man siyang manamit, magulo man ang isip niya, nangangarap din naman  siyang ma-inlove. gusto rin niyang maranasan ang mga nababasa niya  sa mga romance pocketbooks. She, too, like any ordinary girl, dreamed of being swept off her feet by a dashing prince. Iyong tipong hihinto ang lahat kapag nakita ang magiging nobyo niya. She wanted to be passionately in love. gusto niya na exciting ang magiging love story nila ng Prince Charming niya.

Hanggang sa nakilala niya si Alex sa isang bar kung saan ito nagtatrabaho bilang bartender. Naging steady date niya ito. Nang malaman ng papa niya ang tungkol dito ay kung anu-ano ang ginawa nito upang mailayo siya kay Alex. Pinaimbestigahan pa nito si Alex kaya nalaman nito na anak sa pagkadalaga si Alex at kung sinu-sino ang kinakasamang lalaki ng mama nito.

Luka-luka nga siguro siya pero exciting para sa kanya ang patagong pakikipagkita niya kay Alex. Lalong nadagdagan ang pagnanais niya na ipaglaban ito dahil sa ginawa ng kanyang papa. Lalo siyang nagrebelde. Gusto niyang ipakita sa kanyang ama na hindi lahat ng bagay ay kaya nitong saklawan. Na hindi lahat ng tao ay kaya nitong mapasunod sa isang kumpas lamang ng kamay nito.

Sinagot niya si Alex. Nang manindigan siya na hindi niya ito hihiwalayan ay sinabi ng kanyang papa na wala siyang makukuhang mana rito kahit singko. Duda raw ito na makakaya siyang buhayin ng ipinagmamalaki niyang lalaki. Dahil sa labis na galit ay nag-alsa-balutan siya at umalis ng kanilang bahay. Umupa siya ng apartment na pagmamay-ari ng tiyahin ni Ria, isang kaibigan niya noong college.

Malakas ang loob niyang humiwalay dahil may part-time job naman siya. Bukod sa pagde-design ng mga Web site ay may bank account din siya. buo sa isip niya na hanggang salita lamang ang kanyang papa. Hindi siya naniniwalang makakay siyang tikisin nito pagdating sa pera. Bukod pa roon ay alam niyang maaasahan niya si Alex.

Maganda ang mga plano nito sa hinaharap. Nag-iipon ito dahil nais nitong magkaroon ng sariling bar na pauunlarin nito. Kaya hindi totoo ang sinabi ng papa niya na walang pangarap ang lalaking ipinaglaban niya. Ipinangako rin niya kay Alex na tutulungan niya itong matupad ang pangarap nito. Dahil ayon rito, para sa future nila ang mga plano nito.

Mas ito pa nga ang nag-aalala para sa kanya. Baka raw totohanin ng papa niya ang banta na huwag siyang pamanahan. Inaalala raw nito ang kalagayan niya. Palagi naman niyang sinasabi rito na magtutulungan sila kahit ano ang mangyari. Siniguro din niya rito na hindi tototohanin ng papa niya ang banta nito.

She was wrong.

Mahigit isang buwan na ang nakararaan nang ipa-hold ng papa niya ang bank account niya. Kahit ang mga credit cards niya ay hindi na rin niya magamit. Doon siya nagsimulang magtipid. Nagsimula na rin siyang maghanap ng regular job para magkaroon siya ng regular income. Nag-aalala na siya dahil kaunti na lang ang perang naitabi niya. Pagkatapos ay hindi pa niya mahagilap si Alex.

She really felt down. Kailangan niya si Alex para kahit paano ay lumakas uli ang loob niya. Panay ang pagkontak niya pero palaging naka-off ang cellphone nito. Ni “ha” at ni “ho” ay wala siyang naririnig mula rito. Dalawang gabi na siyang pumupunta sa bar na pinapasukan nito pero hindi niya ito nakita roon. Nakausap  niya ang kasamahan nitong si Raul. Dalawang araw na raw na hindi pumapasok si Alex. Kahit ang apartment nito ay sarado rin. Ni walang bakas na umuuwi pa ito roon. At ayon sa isang kapitbahay nit, tatalong araw na raw mula nang huling umuwi ito roon.

Kinakabahan na siya dahil baka may masamang nangyari dito. hindi siya nakatulog kaya alas-singko pa lang ay bumangon na siya. Suot pa rin ang  pink pajama at T-shirt na Donald Duck, nakayapak na bumaba siya sa kusina na nasa unang palapag ng apartment. Nagtimpla siya ng kape at saka lumabas sa terrace. Umupo siya sa isa sa mga silyang bakal na nakapalibot sa mesang yari din sa bakal na nasa labas ng kanyang apartment.

Ka-share niya sa terasang iyon ang tenant sa kabilang pinto ng apartment na si Ulysses. Share din sila sa silya at mesang naroon. Walang dibisyon ang dalawang pintong apartment na inookupa nila kaya magkikita at magkikita sila ng suplado at galit sa mundong si Ulysses.

Matangkad at morenong lalaki ito. Oo nga’t guwapo at dignified-looking ito, pero mapang-uri naman ito kung makatingin. Nag-iisa lang din ito sa apartment nito. Hindi niya alam kung dating sundalo ito na na-war-shocked kaya animo pasan nito ang buong daigdig. O kung may asawa ito, siguro ay hina-hunting nito iyon dahil sumama sa ibang lalaki. Marahil ay iyon ang dahilan kaya palagi itong nakasimangot at ni hindi man lamang siya nginingitian kapag nagkakasalubong sila. Nagtatago siguro ito at nagmumukmok para makaiwas a kahihiyan. O baka nagtago ito sa batas. Pupusta siya na isa sa mga nabanggit niya ang dahilan kaya parang hindi nito alam kung paano ngumiti at tumawa.

Kay Manang Violy lamang niya nalaman na “Ulysses” ang pangalan nito. Ayon sa kasera niya ay tahimik daw talaga si Ulysses. Pero magalang naman daw ito at palabati. Magalang? Palabati? Hindi ganoon ang pagkakakilala niya rito. Kaya nga naisip niyang eksklusibo lamang sa kanya ang disgustong nakikita niya rito. Weirdo nga ang tingin ni Alex dito.

Napangiti siya sa kanyang sarili. Kailan pa siya naging analyst ng ikinikilos ng mga tao sa paligid niya? At bakit ba natuon kay Ulysses ang isip niya? May malaking problema siya na dapat harapin. Malapit na siyang maging financially broke. Pagkatapos ay hindi pa niya mahagilap si Alex.

Nag-alala na naman siya. For heavean’s sake, Alex! Where the hell are you? Bakit hindi ka tumatawag? Bakit hindi ka nagpapakita at nagpaparamdam? What happened? Uminom siya ng kape. Itinaas niya ang kanyang mga paa. Hindi pa nangyari na hindi siya tinatawagan ni Alex. Napatingin siya sa kawalan habang nag-iisip nang malalim. Kaya hindi niya namalayang dumating si Ulysses. Nang mapatingin siya rito ay nakita niyang titig na titig ito sa kanya na tila ba gulat na gulat. May mali ba sa kanya at ganoon na lamang ito kung makatitig?

“Something wrong?” asik niya rito. Sa sobrang pag-aalala niya sa kanyang nobyo ay kay Ulysses niya naibuhos ang pakainis.

“Ha?” nagtatakang tanong nito.

“I said what is wrong? Bakit ka nakatitig sa mukha ko na para kang nanakita ng multo? May dumi ba ako sa mukha?” mataray na tanong niya. Simpleng tango lang ang iginanti nito sa kanya nang batiin niya ito at magpakilala siya na bagong kapitbahay nito kaya wala siyang pakialam kung lumabas siyang bastos.

Ilang beses nang nangyari na parang binastos siya nito. Minsang nagpatugtog siya ng stereo nang medyo malakas, nang malabasan niya ito ay hindi na maipinta ang mukha nito. Kapag dumadalaw si Alex at nagkataong nakikita nila ito ay kakaiba ito kung makatingin. Ngalingaling sabihin niya rito na kung ayaw nitong makarinig ng ano mang uri ng ingay, dapat ay inupahan nito ang dalawang pintong apartment na iyon.

“Hindi ka ba magpapaliwanag man lang?” tanong niya.

“Come again?” anitong tila noon lang nahimasmasan at napunang kanina pa niya ito kinakausap.

Talagang may sayad nga! sa loob-loob niya. “Ang sabi ko, bakit mo ako tinitingnan?”

“What? I’m not…” kaila pa nito.

“Magkaila raw ba?” aniyang puno ng sarkasmo ang boses. Tinitingnan mo ako. Hindi ko alam kung bakit at ano na naman ang nagawa kong mali sa paningin mo.”

“Look, I’m sorry. I just… I just didn’t know it was you,” tila wala sa loob na paliwanag nito.

“Ha? Bangag ka ba?” Nagsalubong ang mga kilay niya.

“Akala ko lang, ibang tao…” Pinahid nito ang pawis sa noo nito. Mukhang galing ito sa padya-jogging. “Hindi kasi kita nakilal,” dugtong pa nito.

Lalong nagsalubong ang mga kilay niya. “And what do you mean by that?”

Dahan-dahang sumilay ang pilyong ngiti sa mga labi nito. Nagulat siya. Why, the man grinned for some reason! Iyon ang kauna-unahang pagkakataon na nakita niya ito na maganda ang mood.

“I thought you’re—”

“What?”

“Beautiful. I never thought you’re beautiful.”

 

Make a Comment

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Liked it here?
Why not try sites on the blogroll...

%d bloggers like this: