Chapter 4

Posted on September 30, 2010. Filed under: Listen To Your Heart |

“ANG DAMI ng in-order mo,” sabi ni Lorin kay Chad habang nakatingin siya sa mga pagkain na inihain ng waiter sa kanilang mesa. Hinayaan na lang kasi niya si Chad na um-order para sa kanilang dalawa sahil hindi niya alam ang specialty sa restaurant na pinuntahan nila. “Last lunch ko na ba ito? Ipapabitay mo ba ako pagkatapos nito?”

Tumawa ito at pagkatapos magpasalamat sa waiter ay bumaling uli sa kanya. “Alam ko kasing mahilig ka sa chicken at pasta kaya dito kita dinala. They serve the best sautéed  chicken and the best tasting pasta here.”

Tinikman niya ang pasta sa isinilbi sa kanya. Napatangu-tango siya dahil nasarapan siya. “Oo nga, masarap. Pero sa dami ng in-order mo, hindi ko yata kayang ubusin ang lahat ng ito.” Tinusok niya ng tinidor ang kakaibang tinapay na nasa gilid ng kanyang plato. “Ano’ng tawag sa tinapay na ito?”

“Focaccia bread.”

Itinuro niya ang kakaiba ring sauce na sawsawan ng manok. “Ano ang tawag dito?” Tinikman niya. “Kakaiba ang lasa. Hindi typical gravy.”

“Peppercorn sauce.”

“Oh, I see.” Napatangu-tango uli siya. “Paano mo nga pala nadiskubre ang lugar na ito?”

“May isang kliyente ako na dito nakipagkita.”

“Babae o lalaki?”

“Ah, lalaki,” sagot nito. “Bakit mo naitanong?”

“Wala naman,” aniyang itinuon na niya sa pagkain ang atensiyon. Nakahinga siya ng maluwag sa nalaman.

Teka, ano naman sa iyo kung malaman na babae ang ka-meeting niya?

Napaisip siya. Ano nga ba ang pakialam niya roon? Well, para lang kasing hindi niya tanggap ang ideyang babae ang ka-meeting nito sa restaurant na iyon. Kung sakali kasi ay parang… parang nagseselos siya. Nagsalubong ang mga kilay niya. At ano naman ang karapatan niyang magselos? Wala siyang karapatan. Isa pa, hindi ba siya na mismo ang nagdeklara na off-limits si Chad para sa kanya?

Behave, Lorin. Kumakain ka na kaya dapat ay matino na ang takbo ng utak mo.

Iniba niya ang usapan. “Siyanga pala, Chad, matanong ko lang, kailan ka huling nagka-girlfriend?”

Nag-angat ito ng tingin mula sa kinakain. “Medyo matagal na. Isang taon na yata,” sagot nito.

“Matagal na nga. Bakit kayo nag-break?” Wala kasi siyang natatandaan na nagsabi ito sa kanya tungkol sa bagay na iyon. Naalala niya ang huling nobya nito na si Czarina. Mabait at maganda ito. Wala nga siyang maipintas dito. Parang si Chad. The two were perfect for each other so she was wondering why they broke up all of a sudden.

“Things just didn’t work out right for the two of us, I guess,” simpleng sagot ni Chad.

“Hindi n’yo ba naisip na isalba ang relasyon ninyo?”

“We tried. Pero kung hindi talaga siguro uukol ay hindi bubukol. So we just call it off. Anyway, we parted as friends. Matagal din ang pinagsamahan namin at kahit paano ay pinapahalagahan ko ang mga alaala namin.”

Well, somehow, she expected that from him. He was gentleman. Kahit sa pakikipag-break ay iniisip pa rin nito ang damdamin ng dating nobya nito. “So, are you over her?” She didn’t mean to pry but she was curious. Ideal kasi talaga ang relasyon nito at ni Czarina. What went wrong back then, she had no idea. Basta nalaman na lang niya na hiwalay na ang mga ito.

“I suppose I am.”

Napatangu-tango uli siya habang sumusubo ng pasta. Nginuya niya iyon bago nilunok at muling nagsalita. “May niligawan ka ba ngayon, Chad?” usisa  niya.

“Why are you asking?”

“Naisip ko lang kasi. Medyo matagal ka na rin namang walang girlfriend.”

“No, wala akong nililigawan ngayon.”

“Hmm…kung ganoon, okay lang ba kung ako na mismo ang maghahanap para sa iyo?”

“Ano ang hahanapin mo?” Nagsalubong ang mga kilay nito.

“Girlfriend para sa iyo.,” sagot niya.

Iyon ang naisip niyang ideya para mapigilan niya ang kung anumang kakaibang nararamdaman niya para dito. He had been single for quite sometime. Masyado rin silang nagiging malapit sa isa’t isa at kadalasan ay umaasa na siya rito. Kung sakaling magkakanobya ito mahahati ang atensiyon nito sa kanya at sa nobya nito. At kapag nangyari iyon ay medyo malalayo na ito sa kanya. At kung anuman iyong unti-unting umuusbong na damdamin niya para dito ay mamamatay nang kusa.

“I’m not really looking for one these days.”

“It’s okay. Trust me, I’d find the perfect girl just right for you. Ano ba ang gusto mo sa isang babae?”

“I’m not really picky. But I like a girl who is simple yet funny, witty at rimes and who is not afraid to express herself.”

“Iyon lang ang hinahanap mo sa isang babae?”

Tumango ito.

“Hindi ko masabi kung madali siyang hanapin o hindi. But anyway, matanong lang kita, paano kung may matagpuan akong babae na kagaya ng idine-describe mo pero may pagka-moody siya?”

“Okay lang. Understanding naman ako.” Ngumiti ito sa kanya. “Isa pa, nasanay na ako sa iyo kaya sigurado akong kakayanin kong pakisamahan kahit kasintindi ng mood swings mo ang mood swings niya. Pero siyempre, plus factor din iyong sweet siya.”

“Bakit? Sweet naman ako, ah.”

“Oo. Kapag tinotopak,” natatawang wika nito.

Alam niyang binibiro lang siya nito pero sumimangot pa rin siya, hindi dahil naiinis siya rito kundi dahil naiinis siya siya sa kanyang sarili. Talaga bang nagprisinta siya na ihanap ito ng magiging nobya nito? Hindi kaya siya naloloka? Isipin pa nga lang na may ibang kasamang babae ito ay naaasar na siya, pagkatapos siya pa ang nagprisintang maghahanap ng nobya nito. Baliw na talaga  siguro siya.

“By the way, Lorin, since we are talking about this, you haven’t told me about your ideal man yet. Palagi mong sinasabi na gusto mo nang magka-boyfriend pero hindi mo naman sinasabi sa akin kung ano ang tipo mong lalaki.”

Napaisip siya. Ano nga ba ang tipo niyang lalaki? Come to think of it, she didn’t even know what her type was.

“Lorin?” pukaw nito sa pananahimik niya.

“Teka sandali, pag-iisipan ko pa.”

Ang alam niya, isang tingin pa lang niya sa ka-date niya ay nalalaman na niya kung rejected agad ito o hindi para sa kanya. And so far, she had liked none of them. Oh, well, not all of them turned out to be jerks anyway. May mangilan-ngilang matino pero hindi niya nais maging nobyo kundi kaibigan lang. Sa dinami-rami nga ng ka-date niya, bakit nga ba wala siyang nagustuhan kahit isa?

“We’ll, unang-una, dapat ay mayroon siyang maganda at matatag na trabaho,” kapagkuwan ay sabi niya.

“Uh-huh. Pasok ako dahil mayroon akong maganda at matatag na trabaho.”

“Pangalawa, gusto ko na may sense kausap at kaya akong pangitiin kahit mainit ang ulo ko.”

Tumikhim ito pero hindi pinansin.

“Pangatlo, dapat marunong siyang magluto dahil tamad akong magluto.”

“I always cook for you.”

“Pang-apat at ang pinakamahalaga sa lahat, dapat ay kaya niyang sakyan ang topak ko at kaya niyang mag-adjust sa mga mood swings ko.”

“Well, well, you are lucky because you already have me,” he said smiling in amusement.

Oo nga, tama ito. Parang ang lumalabas ay i-p-in-attern niya sa mga katangian nito ang tipo niyang lalaki. Pero sa halip na matuwa ay napabuntong-hininga na lang siya. “Siyempre, hindi ka puwede. Exception ka sa listahan ko.”

“And why is that?”

“Dahil kinakapatid kita at kinakapatid mo ako.”

Kumunot ang noo nito. “Bakit? Bawal na ba ngayon ang ganoon?” tanong niya.

“Hindi nga. Pero hindi pa rin puwede.”

“Dahil…?”

“Basta, hindi puwede.”

“I don’t quite follow you. Paano pala kung may gusto ako sa iyo at liligawan kita? Basted na ako dahil kinakapatid mo ako?”

“Ahm…” Paano ba niya sasagutin ang tanong na iyon? “Huwag kang magbiro ng ganyan.” At baka bigla kong sunggaban, ngalingaling idugtong niya. “Hindi ka nakakatuwa.” Sumimangot siya.

“Chill out, Lorin, I was just kidding you. Tapusin mo na iyang pagkain mo at ihahatid na kita pabalik sa opisina mo.”

“Okay.”

“O, KUMUSTA ang date ninyong dalawa ni Chad?” tanong agad ni Tin kay Lorin pagbalik niya sa opisina. “Napunta ba kayo sa … biglang liko?” ngumisi ito.

“Ano ka ba naman, tirik na tirik ang araw pero puro kamunduhan ang nasa isip mo,” saway niya rito. “Nakakahiya ka, Kristina. Kung anu-ano ang pinagsasabi mo sa harap ni Chad kanina. Baka kung ano na tuloy ang isipin n’on.”

O, eh, ano? Mabuti nga iyon at nang mahimas-masan siya, `no. At saka magkasama kayo, hindi ba? Ano’ng napag-usapan ninyo sa date n’yo?”

“Nag-lunch lang kami at hindi nag-date.”

“Well, it was a lunch date.”

“Whatever,” sagot niya para tigilan na siya nito.

Pero talaga yatang desidido si Tin na makitsismis sa mga napag-usapan nila ni Chad. Sa halip na harapin nito ang trabaho nito ay lumipat ito sa puwesto niya at sumandal sa kanyang desk.

“So, ano na nga ang napag-usapan ninyo?”

“Wala.”

“Hay, naku, mare, halos idang oras kayong magkasama, pagkatapos, sasabihin mo sa aking wala? Ano’ng ginawa ninyong dalawa? Nagtitigan lang?”

She heaved a deep sigh and looked at her friend. Talagang hindi diya lulubayan nito hangga’t hindi siya nagkukuwento. “Okay, sinabi ko sa kanya na dapat na uli siyang magka-girlfriend.”

“What?”

“At nagprisinta ako na ako ang maghahanap ng magiging girlfriend niya.”

“What?” Pinandilatan siya nito. “Gaga ka. Bakit mo sinabi `yan? Ano’ng sabi niya?”

“Okay lang sa kanya,” sagot niya.

“Okay lang sa kanya?” ulit nito. “May naisip ka na bang mairereto sa kanya?”

“Wala pa nga, eh.”

“Sus! Bakit hindi na lang ang sarili mo ang iprisinta mo?”

“Alam mong hindi puwede.”

“At bakit hindi puwede?”

“Dahil hindi puwede.”

“Alam mo, Lorin, hindi ko talaga minsan masakyan ang topak mo. Gusto mo `kamong magkaroon ng boyfriend. Hayan si Chad, single, available, guwapo, mabait, matalino, at higit sa lahat, ang tanging taong umuunawa sa magulong takbo ng isip mo. Pagkatapos, ano ang ginawa mo? Nagprisinta kang ihanap siya ng magiging girlfriend. Lukring ka talaga!” Inilapit pa nito ang bibig sa tapat ng kanyang tainga at doon tumili.

“Oo na, oo na,” aniya habang hinihimas ang kaliwang tainga niya. “Lukring na kung lukring. Pero ginagawa ko lang ang nararapat kong gawin,” katwiran niya.

“At sa palagay mo ay tamang ihanap mo siya ng magiging prospective girlfriend niya, ganoon?”

“Oo naman.”

“Ano ba kasi ang inaayaw mo kay Chad? Mabait naman iyong tao. Actually, wala na nga akong maipintas sa kanya.”

“Iyon na nga ang punto ko. Mabait si Chad. Ako, hindi. Demonyita ako, anghel siya. Parang hindi ako bagay sa kanya.”

Pinagtaasan siya ng kilay nito. “Ah, so, iyon ang dahilan mo? Hindi ko alam kung manhid kayo pareho. Kung hindi n’yo po napapansin, sweet po kayo sa isa’t isa.”

“Paano mo nasabi na sweet kami?”

“Actually, siya lang pala. Kung hindi mo napapansin, Lorin, iba ang mga tinging ipinupukol ni Chad sa iyo tuwing magkasama kayo. Super attentive din siya sa iyo. At ikaw, kakaiba rin ang mga kinikilos mo tuwing naririyan siya.”

“Close nga kami, hindi ba?” Kaya hindi puwedeng pagbasehan ang mga sinsabi mo para lumagpas pa kami sa kasalukuyan naming relasyon. Kaya nga hahanapan ko na siya ng girlfriend para matigil ka na sa mga pang-iintriga mo.”

“Ay, ewan ko sa iyo. Basta siguruhin mo lang na hindi ka aatungal sa akin kung sakaling nagkamali ka sa naging desisyon mo.”

“Huwag kang mag-alala, hahanap ako ng ibang kaibigan na puwede kong atungalan at hindi ko ipapaalam sa iyo.”

“Baliw ka talaga!”

Make a Comment

Leave a Reply

Fill in your details below or click an icon to log in:

WordPress.com Logo

You are commenting using your WordPress.com account. Log Out / Change )

Twitter picture

You are commenting using your Twitter account. Log Out / Change )

Facebook photo

You are commenting using your Facebook account. Log Out / Change )

Google+ photo

You are commenting using your Google+ account. Log Out / Change )

Connecting to %s

Liked it here?
Why not try sites on the blogroll...

%d bloggers like this: